Pages

Saturday, April 10, 2010

Sa darating na eleksyon...

I composed this essay when I was in fourth year high school. I'm going to make its english version soon.


Krisis sa ekonomiya, buwan – buwang pagtataas ng presyo ng gasoline at mga bilihin, patuloy na pagkasadlak ng ating mga kababayan sa namamayagpag na kahirapan, unti – unting pagbaba ng literacy rate ng mga Pilipino – ito ang mga epekto ng hidwaan sa pulitika sa kaunlaran ng ating bansa. Sa katunayan, iilan lang ang mga nabanggit, marami pang epekto ang nararanasan ng ating bansa.

Bakit ba nagkakaroon ng hidwaan sa pulitika? Dahil ba hindi magkasundo ang ating mga pulitiko pagdating sa mga mabibigat na usapin? Dahil ba may malalim na pinag – ugatan at dinadala at dinadamay pa pati sa kanilang pulitikal na trabaho? Binoto sila ng mga mamamayan dahil naniniwala ang mga tao na ang mga pulitikong ito ang siyang tutupad at lulutas sa mga pangarap at problema ng bayan. Ngunit, ano itong mga pangyayari na laman ng mga tabloid at broadsheet araw – araw o ng 24 Oras at TV Patrol? Bangayan dito, bangayan doon. Ano ba ang saysay ng pakikipag – away? Siguradong mas magandang tingnan kung lahat ng mga pulitiko natin ay nagtutulungan at nagkakaisa baka ngayon sana “Developed Country” na ang tawag sa atin at hindi “Developing Country”.

Dahil sa patuloy na hidwaan ng ating mga pulitiko, mas nauuna pa ang kanilang pakikipag – baliktaktakan kaysa kanilang mga tungkulin. Hindi na tuloy nabibigyan pansin ang mga nangangailangang mamamayan. Patuloy na dumarami ang mga naghihirap – ang isang naghihirap na pamilya ay minsan lang kumain sa isang araw kaya nagiging dahilan para maghirap naman sila sa kalusugan. Ang mga walang maayos na trabaho naman, hindi magawang masustentuhan ang mga pangangailangan, hindi maipag – aral ang anak sa maayos sa paaralan na ugat din ng pagbaba ng literacy rate ng mga kabataan. Dahil sa isang problema ay pinagmumulan din ng isa pang problema. Hindi siguro ito lingid sa ating mga may kapangyarihan ngunit ayaw kong sabihing na nagbubulag – bulagan at nagbibingi – bingihan sila. Malaki talaga ang epekto ng kanilang hidwaan sa kaunlaran ng ating bansa.

Maraming issues ang komunidad – mga kaso ng mga kapwa nila pulitiko, mga gustong pabagsakin ang kapwa nila pulitiko ngunit mas marami at mas mahahalaga pang issues ang dapat nilulutas. Ang mga sariling kapakanan ay dapat isantabi muna. Nakarating sila sa kanilang mga posisyon ngayon dahil sa mga boto nating mamamayan. Ang posisyon nilang iyon ay dapat ginagamit sa tama at hindi para makipagyabangan. Kanino ba sila nagyayabang? Sa mga kapwa nila pulitiko? O mismong sa mga mamamayan? Para ano? Mas lalong ipakita kung gaano kalayo ang agwat ng mga mayayaman at mahihirap?

Ako ay isa lamang kabataan ngunit sana ang tinig ko ay mapakinggan. Marami pang katulad ko na gustong matigil ang ganito. Ngayong 2010, legal na akong bumoto sa nalalapit na eleksyon. Panalangin ko sa Kanya, sana tama ang iboboto ko. Sana siya na nga ang hinihintay ko at ng lahat ng mga Pilipino. Ang kapangyarihan nating bumoto ay gamiting mabuti dahil talaga namang MAY MAGAGAWA TAYO kung kaya ngayon palang, ang nararapat ay SIMULAN NATIN!